Ang bilis ng panahon. 10 years ago nang una akong mapadpad sa syudad. Laking probinsiya ako mula sa bayan ng Castaneda. Noong una, natatakot akong mapunta sa syudad. Kasi nga iba ang mga tao dito kumpara sa nakalakhan ko na simple lamang ang pamumuhay. Hanggang sa makatapos ako ng hayskul at magpasyang mag-enrol sa Cabanatuan.
Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa akin sa Cabanatuan?
Nag-enrol ako sa College taong 1998. Dahil sa Cabanatuan nag-aaral ang mga nakatatanda kong kapatid, nagpasya ang aking mga magulang na doon na rin ako papag-aralin para kapag dadalawin kami ng parents namin eh isa na lang ang pupuntahan. Isa pa, mas gusto nila na sama-sama kami para kapag merong problema kami na ang magtutulungan. Tutal nandun ang panganay namin, anytime na magkaaberya ayun lang ang opisina.
Parumog St. dito kami tumirang magkakapatid mula college hanggang sa makatapos kami. Ano nga ba ang espesyal sa lugar na ito? Ahhh... marami! Bukod sa ito ang naging una kong tahanan. Dito ako natuto ng lahat sa buhay. Natutong magind independent, makisama, mga gawaing-bahay, makipagkapwa-tao at marami pang iba. Masasabi kong hindi lang sa akin naging importante ang lugar na ito kundi maging sa akin mga kaibigan at mga kaibigan ng mga kuya ko.
Akala ko noon pag nag-college ako magiging mas seryoso ako sa pag-aaral ko. Akala ko katapusan na ng maliligayang araw ng pakikipagkaibigan. Alam mo na? Sabi kasi ng titser ko noon ang pinakamasayang stage daw sa buhay ng tao ay ang hayskul. Kasi dito daw mararanasan ang lahat ng UNA. Pero sa tingin ko, wala ng mas sasaya sa buhay-college ko.
Bakit nga ba? Dito ko kasi nakilala ang mga kaibigan ko na magpahanggang ngayon ay nakakausap ko. Sinong makakapagsabi na tatagal kami ng ganito katagal? Nung una kaming magkakitaan, First year college ako noon. Takot akong makipag-usap sa kanila kasi baka pagtawanan nila ako. Bukod sa ikinahihiya ko ang kutis-magsasaka ko eh hindi kagandahan ang mga damit ko. Pero hindi naging hadlang yun para magkakila-kilala kami.
Si Ria, Imelda,Luz,Allyn,Tina,Jean,Estee at ako. Magkakaklase kami nun sa Kursong Komersiya. At sa pagtakbo ng panahon kahit na magkakaiba kami ng hilig at tipo sa lahat ng bagay, naging close friends kaming walo. Hanggang sa napagdesisyunan ko na magshift ng Accountancy, nakiayon sila sa desisyon ng ilan sa amin. Walo kaming nagshift ng kurso! Natatandaan ko pa nga eh nagulat si sir Bobadilla, sir Marzan, mam Manubay at yung registrar namin dahil nagsusumiksik kami sa Accountancy.
"Aba mga hija, mag-isip isip kayo dahil ang mga Accountancy nga eh nagshi-shift sa Commerce kayo naman magshi-shift sa Accountancy? Nilalagnat ba kayo? Mahirap ang Accountancy.. Pag-isipan niyo muna... "
Pero mapilit kami. Walo kaming nagsabi na "Opo, gusto po namin mag-shift"at sabay kuha ng pare-parehas na schedule.
Ganun kami parati. Kapag parating na ang pagtatapos ng Sem, naka-schedule na kaagad kung kelan kami sabay-sabay na mag-eenroll para makuha namin un parehas na schedule at tuloy hindi kami magkahiwa-hiwalay. Nakakatuwang balikan pero naisip ko ngayon, ganun pala namin inaalala ang isa't-isa. Iilan lamang ang makikilala nating mga totoong kaibigan. At sabi nila, kapag nahanap mo yun, isa ka sa pinakamaswerteng pinagpala na magkaroon. Meron kasing iba na pinipili na lang ang mapag-isa or karaniwan na inilalayo ang sarili sa iba. Hindi kami yun! Magkakasama kami kahit sa anumang laban. Minsan nga nag-aaway away kami eh . Siyempre kampihan pero hindi namin pinalalagpas ang araw na hindi nareresolba ang problema. Naroong magkulong kami sa isang bakanteng room at dun kami magoopen-forum at mag-iiyakan. Pagkatapos nun ayos na kami. Balik sa normal na gawi.
Second year college yata kami nung turuan ko silang uminom. Nakakatuwa, kasi nga mga lalaki ang kuya ko, minsang umuwi ako ng late dahil sa swimming namin sa Villariza, sta. rosa. Nadatnan ko yun panganay namin na umiinom kasama yung kaibigan niya. Nakasalampak sa papag habang naghahalo ng Lime Juice at yun Gin. Nakalimutan ko na kung anong brand nun. At pagtapos nung maturuan ako, eh ung mga kaibigan ko naman ang tinuruan ko. Meron pa ngang Lambanog nun eh. Paborito namin eh yung bubble gum flavor.
Dun sa bubong sa Parumog, dun kami madalas tumambay. Pag nalasing kadalasan tumatawag ng uwak ( Nagsusuka ) or minsan pag nagkalasingan naroong nag-iiyakan dala ng mga problema sa pamilya at sa mga kasintahan nila. Nung una nga kaming malasing nun eh umiiyak si Jean at si Mhel. At ang nakakatawa dahil taob na ang mga bote ng alak eh nagco-contribution pa yung dalawa para bumili ng isa pang bote ng alak. Pambihira talaga tong dalawa na ito. At pagkatapos ng mahaba at nakalalasing na inuman session, isa ako sa taga-alalay sa kanila. Feeling superhero ako sa paglilinis ng mga kalat at pag-aalalay sa kanila. At ganun din naman sila siyempre sa akin. Lalo kay Ria at Estee na palagi nang present sa mga ganitong sitwasyon.
Minsan, nagkayayaan kaming mag-inuman. Present ang lahat kasi tuwing sasapit ang Christmas Vacation eh isa ang grupo namin sa nag-eexchange gift. O diba? Barbeque at Spaghetti ang handa namin. At sa Bubong sa Parumog, naka-ready ang mga unan at kumot panglaban sa hamog kapag kami ay inumaga. Eh present pa nga dun un isa nga mga gift na natanggap ko sa kanila nun eh. Yun Tweety bird na pillow. Ang kaso nun inuman session na, nagback out na silang lahat. Tatlo na lang kaming natira na animoý uhaw sa alak. Tatlong bote ng Lambanog at Bubbe Gum flavor pa man din ang pinagtig-i- tig-isahan namin nina Ria, Luz at ako. Aba natural wala pang isang oras naubos agad ang natitira naming katinuan. Haha.. At bilang pruweba, itong si Estee kinuhanan pa kami ng picture. Nakakahiya ang mga pose namin dun. Ayon kay Estee eh nakatago naman daw yun hanggang ngayon. Pero lagi namin sinasabi na "utang na loob Estee, wag mong ipakita sa iba at baka isipin mga Adik kami..."hehehe.. Nakakahiya talaga pero masaya naman. Kasalanan ni Allyn at Mhel kasi masakit daw ang tiyan at ano pa yun isa.? Si Jean naman hindi nakapag-paalam sa Daddy niya.
Magkakasama kami sa lahat ng bagay. Sa kopyahan sa exams, sa mga tour, mga project, inuman at sa mga get away lahat present. Ilang taon ang lumipas habang tumatagal, lalo kaming tumitibay. May ibang nasasaktan at nagagalit pero natututong magpatawad. Ganyan kami hinubog ng panahon sa aming samahan.
Lumipas pa ang ilang taon, Nakilala na namin si Jasmin. Transferee siya nun galing ng CLSU. At isa ang grupo namin sa naging kalapit niya. Paano kasi sa grupo namin makikita niya lahat ng ugali. Masayahin, madaldal at palaban. At siyempre hindi rin naman kami grupo ng mga bobo dahil kahit papano eh marunong naman kaming magreview. Yun nga lang sadya nga lang na hindi kami madamot pagdating sa kopyahan.
Graduation na! Isa ito sa pinakamalungkot na parte ng aming pagkakaibigan. Mamimiss na namin yung araw-araw kaming magkakasama mula lunes hanggang sabado. Yung pagtambay sa tree house o sa steel house na kadalasan binibuhat namin bago matapos ang sem at inililipat sa ibang lugar. Mamimiss namin yung pag iilan lang kami sa klase, kakausapin namin yung aming Teacher at sasabihin bukas na lang ang discussion at pauwiin na kami para makalibot sa Mega Center or sa Pacific para lang magwindow shopping, mag-arcade, magvideo oke or minsan naman manood ng sine. Pag merong mga ka-eyeball, magkakasama rin kami. Naroong malito yun talagang me ka-eyeball dahil sinasadya namin na maghiwa-hiwalay or worst, ipinapain kami sa eyeball. ( si luz at ako ang tinutukoy ko ). Nangyari kasi minsan yun nung INTRAM. SI Jean pala eh may ka-radyo nun. At napagkasunduan nilang mag-eyeball. Kami ni Luz ang naipain. At habang takot na takot kami sa pagtakbo, nakatago at tawa ng tawa nman itong si Jean at si Janice. Kinabahan tuloy kami ni Luz dahil animoý nasa pelikula kami na hinahabol ng mga Goons. Lol! Minsan naman makipag eyeball itong si Allyn, nung makita na yung ka-eyeball, di namin mapigil tumawa. Kasi nga nasa harap kami ng Jolibee nun, pagtapos un ka-eyeball mga ilang metro lang ang layo sa amin at nakaupo sa tabi ng Fountain sa Megacenter. Itong pobre eh tumatawag na sa mobile ni Allyn para ipaalam na nandun na siya. Yung mobile ni Allyn nilapag nia sa mesa habang panay ang vibrate at nagtuturuan sila ni Luz kung sino ang sasagot. Hay buhay! Tawa kami ng tawa. Ano't ng matapos ang pakikipag-eyeball nasabi ni Luz "Amoy gatas siya ng kalabaw!". Ang taray ng lola mo.. Siyempre mga comedy moments yun na hinding hindi mo malilimutan. Meron pa ngang nangyari, nagpapicture kami sa studio. At nang makuha na namin ang picture, itong si Imelda nailaglag ang kopya niya sa tapat ng Technology Building. Nung dumating si yung kuya ko, nagulat pa ako ng sabihin sa akin, "Oy, kunin mo nga yun picture niyo dun sa Billboard sa Tech. Building. Nakapaskil dun! Bago pagkagukuhan.."Akala ko naman, pagkakaguluhan dahil magaganda kami, Malay ko bang meron nag-comment na mga mukha daw kaming bading. Hagalpakan kami sa katatawa. Hindi namin mapigil si Imelda kakatawa.
Nung unang magkaboyfriend si Ria, sa Tree House, dun namin siya sinamahan para sa unang date niya. Sinong mag-aakala na ako pa pala ang magiging tulay para makilala niya ang mapapangasawa niya?
Ngayon, magkakalayo na kami. Kadalasan, online na lang kami nakakapag-usap o di naman kaya sa tawag. Nakaka-miss sila! Kahit na ilang taon ang lumipas, siguro di namin makakalimutan ang isa't isa. Nakakalungkot nga lang isipin na hindi gaya ng dati, isang text lang nandiyan na sila. O kaya tuwing alas sais nagriring na ang phone namin dahil si ria ay makikibalita. Kapag may lakad kami nandiyan si Luz or si Estee na sumusundo sa amin para sa pupuntahan namin. Si Jasmin na flexible employee. Magset ka ng date ng lakad at walang imposible. Ganun din si Allyn na always present! Si Tina na ngunit malalapit lang daw ang mga bahay namin kaya hindi siya makasama sa lakad. Si Imelda na mahilig sa swimming sa Neri's Resort. Or si Jean na palagi na lang nakakalimutan magpaalam sa Daddy niya. Hay kahit ganyan sila, namimiss ko pa rin sila. Wala kaming masamang tinapay sa isa't isa although minsan nagkakatampuhan talaga. Pero walang tatalo sa aming samahan. Si Jean nasa Abu Dhabi na ngayon. Si Allyn nasa Canada. Si Tina nasa Israel at plano nang magbakasyon. Ako nandito na rin sa UK kasama ng aking asawa. Si Luz meron narin asawa. Si Imelda, meron nang pangananay, si Jas stable na sa work at soon to get married, si estee still single pa rin and planning to work abroad at si Ria na masaya na rin sa buhay may-asawa. Iba-iba ang narating namin and proud ako sa bawat isa amin! Go girls! See you sa next vacation ko!
Custom Search
Sunday, 18 May 2008
Bubong sa Parumog!
Labels:
Buhay College,
Parumog
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
hello eds wow nkktuwa tlg istorya ntin noh... nkkmiss ang isa't isa. Ang buhay tlg may kny kny istorya, pero proud ako stin lht lalong lalo n syo. Keep up the good work. Love you friend and i do miss you!
Post a Comment